CAVITE – HINDI nakaligtas sa kamay ng mga awtoridad ang pagiging matikas ng dalawa na sinasabing miyembro ng malaking fraternity group na nanutok ng baril sa truck driver makaraang masakote ng pulisya sa itinayong Comelec checkpoint sa Cavite City noong Biyernes ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA10591 (Illegal Possession of Firearms) kaugnay sa Comelec gun ban ang mga suspek na sina Robert Rhomel Paredes y Ordonez, 30-anyos ng Medicion Drive, Imus City, Cavite; at Darwin Flores y Mores, 43-anyos, ng Celina Plains, Brgy. Malagasang, Imus City, Cavite.
Sa inisyal na police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nagmamaneho ng truck ang 65-anyos na biktimang si Nemecio Catulin sa kahabaan ng Manila-Cavite Road sa bayan ng Noveleta, Cavite nang mapansin ang convoy ng pribadong sasakyan sa kanyang likuran.
Kaagad naman gumilid sa kaliwang bahagi ng kalsada ang truck driver upang bigyang daan ang convoy subalit isa sa mga sasakyan na naka-convoy ay unti-unting lumapit kay Catulin saka nagbukas ng bintana at tinutukan siya ng baril bago nagsisigaw ng mga katagang “anu, anu, Ano…”
Ayon pa sa police report, dahil sa takot ng biktima na may maganap na karahasan sa kanya ay pinaspasan nito ang pagmamaneho ng truck saka dumiretso sa PNP Comelec checkpoint para humingi ng tulong laban sa mga suspek na nanutok sa kanya ng baril.
Dito na hinarang ng mga pulis ang sasakyan nina Paredes at Flores pagsapit sa checkpoint sa bahagi ng Ronquillo junction kung saan boluntaryo namang sumuko ang driver at pasahero nito.
Bukod sa pagsuko ng mga suspek ay isinuko rin nila ang dalawang pistola na S1-Taurus G3 cal. 9mm pistol with serial #ACGO49883 na kargado ng 12 live ammunitions at S2-Taurus G3 cal. 9mm pistol with serial # ACG010686 na kargado ng 14 live ammunitions.
Nabatid din sa ilang concerned citizen na ang mga suspek ay sinasabing kasapi ng kilalang fraternity club na ang mga miyembro ay sinasabing mga police officer at politiko. MARIO BASCO