DALAWANG kaso ng Omicron variant ng COVID-19 ang na-detect sa dalawang biyahero na dumating sa Pilipinas.
Ayon sa Department of Health (DOH), iniulat ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) ang dalawang kaso ng bagong variant mula sa 48 samples noong Martes.
Dumating ang unang pasyente na isang Returning Overseas Filipino (ROF) mula sa Japan sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight number PR 0427 noong December 1.
Nakolekta ang sample nito noong Disyembre 5 at lumabas ang positibong resulta noong Disyembre 7 kaya’t agad itong inilipat sa isolation facility.
Ayon sa DOH, may ubo’t sipon ang pasyente nang dumating sa bansa ngunit asymptomatic na ito ngayon.
Samantala, nakarating naman ng bansa ang isa pang pasyente na Nigerian national mula sa Nigeria via Oman Air with flight number WY 843 noong Nobyembre 30.
Nakuha ang sample nito at lumabas ang resulta noong Disyembre 7.
Agad dinala ang pasyente sa isolation facility. at asymptomatic ang lagay ng naturang dayuhan.
Tiniyak naman ng DOH na naka-isolate ang mga pasyente na may dala ng Omicron variant.
Inaalam na ang posibleng close contacts ng dalawang pasyente, kabilang ang mga pasahero sa dalawang flight.
Hinikayat ng DOH ang publiko na sundin pa rin ang minimum public health standards.