ZAMBOANGA CITY – NALAGLAG din sa kamay ng batas ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang pulis sa lungsod na ito noong Oktubre 13 sa follow up operation ng awtoridad.
Ayon sa police report na inilabas kahapon ng Zamboanga City Police Office, ang mga dinakip ay kinilalang sina Madslan Saruwana, residente ng Barangay Canelar; at si Alsid Ismael, residente ng Barangay Putik.
Base sa imbestigasyon, si Saruwana ang bumaril kay Patrolman Pedro Umpad habang si Ismael ang nagsilbing lookout at nagmaneho ng motorsiklo.
Sakay ng patrol car si Umpad ng pagbabarilin sa kahabaan ng Mayor Vitaliano Agan Avenue sa Barangay Camino Nuevo bandang alas-2:50 ng madaling araw noong linggo.
Nabatid na kasama ni Umpad sa sasakyan habang nagpapatrolya ang kasamahang pulis na si Patrolman Adamer Pandangan na nagawa pang makaganti ng putok sa mga suspek.
Unang naaresto si Saruwana sa inuupahan nitong apartment noong Miyerkoles at agad na umamin sa krimen.
Itinuro naman nito ang bahay ng kasabwat niyang si Ismael pero hindi ito naabutan ng pulis sa kanyang tinutuluyan bagamat naaresto siya sa lugar makaraang tawagan ni Saruwana.
Lumabas sa pagsisiyasat na nagalit at gumanti ang mga suspek sa pulis nang kumpiskahin ang kanilang lisensya at isyuhan ng ticket dahil sa pagmamaneho ng motorsiklong hindi rehistrado.
Ang dalawa ay kakasuhan ng murder, illegal possession of firearms and prohibited drugs. VERLIN RUIZ
Comments are closed.