2 KAWANI NG LGU NAMARIL NG TRUCK DRIVER TIMBOG

QUEZON- ARESTADO ang dalawang lalaki na mga kawani ng Mulanay Local Government Unit matapos pagbabarilin ng mga ito ang isang 33-anyos na truck driver sa Brgy. Poblacion, Mulanay kahapon ng madaling araw sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga suspek na si alyas Manolito, kawani ng MDRRMO responder at ang isa pang hindi pa pinapangalanan na isang security personnel ng munisipyo.

Base sa imbestigasyon, hatinggabi nang maganap ang insidente habang nagmamaneho ng truck ang biktima na si alyas Michael nang harangin ng mga suspek.

Bumaba sa truck ang biktima upang tumakas nang makita na may bitbit na baril si alyas Manolito.

Nagawa pang tumakbo ng biktima subalit pinaputukan ito ng suspek kung saan ay tinamaan ito sa kanang bahagi ng hita.

Nagtangka naman tumakas ng dalawang empleyado ng LGU matapos ang ginawang krimen pero agad itong nadakip ng mga pulis.

Naisugod sa hospital sa lugar ang biktima ng mga tumulong na mga residente at kalaunan ay inilipat sa MMG Hospital sa Lucena City upang mabigyan ng maayos at sapat na gamutan. BONG RIVERA