2 KAWATAN ARESTADO SA MALABON

Magnanakaw

ARESTADO ang dalawang hinihinalang magnanakaw sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa Malabon City.

Sa report nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Philip Cesar Apostol kay Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, alas-9 ng gabi nang tanga­yin ng suspek na si Gerald Tugano, 33, ng Phase 6 Dulong Hernandez, Brgy. Catmon ang Japanese Bike ng kalugar na si Joel Octa, 40.

Nakita ng asawa ng biktima na si Annaliza, 40, ang ginawa at pagsibat ng suspek dahilan upang humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang saksi na nagresulta sa pagkakaaresto kay Tugano at nabawi ang bisikleta ng biktima.

Dakong alas-4 naman ng madaling araw nang magising ang mister ni Melissa Bohol, 48, at napansin nito nakabukas ang bintana ng kanilang bahay sa Gulayan, Brgy. Concepcion at wala na ang kanilang dalawang cellphone, da­lawang sling bag at wallet na may laman P2,500 cash.

Isa sa kanilang kapitbahay ang nakakita sa suspek na nakilalang si Junel Barrera, 19, ng Lamcota St., Brgy. Concepcion na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay ng biktima saka dumaan sa bintana papasok alas-3 ng mada­ling araw.

Kaagad humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek, subalit hindi na nabawi ang mga gamit ng biktima. EVELYN GARCIA

Comments are closed.