2 KELOT SUGATAN SA PAMAMARIL; SUSPEK ARESTADO

CAGAYAN-DALAWANG lalaki ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pamamaril sa lalawigang ito.

Unang nabaril sa Zone 5, Barangay C., Versosa, Baggao si Jose Narag, na nagtamo ng tama sa balikat habang arestado ang suspek na si Learni Macasiray, kapwa magsasaka at residente ng naturang lugar.

Ayon sa Police Provincial Office-2 (PRO-2) nitong September 10, 2021 kung saan nasa impluwensiya umano ng alak si Macasiray ay nakikipagtalo sa kanyang magulang na humingi naman ng tulong kay Narag upang awatin ang kaibigan na kalauna’y umuwi rin sa kanilang bahay.

Sa pag-aakala naman ng mga umawat na umuwi na ito, subalit habang naglalakad ang biktma na pauwi na rin ay binaril sa kanang balikat ni Macasiray gamit ang caliber .22 rifle.

Ginagamot na ang biktima habang kasong frustrated murder ang posibleng kaharapin ni Macasiray na kasalukuyang nasa kustodiya ng Baggao Police Station.

Samantala sa Barangay Asinga-via, sakop ng nasabing bayan ay nabaril din ng hindi nakikilalang suspek si Libert Cabaro, nasa hustong gulang

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Baggao, nasa kanilang bahay ang biktima kasama ang kanyang kamag-anak na si Jojo Cabaro, upang tignan at masigurong ligtas ang kanilang bahay sa banta ng Bagyong Kiko at nang sila ay paalis, ay bigla nalang umanong sumulpot ang suspek at pinaputukan ang biktima sa likod.

Tumakas ang salarin na nakasuot ng kapote at mask habang isinugod sa Baggao District Hospital ang biktima na kalauna’y inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City para sa kaukulang lunas.  IRENE V. GONZALES

Comments are closed.