MATAGUMPAY na naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Korean nationals na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa panloloko o fraud at dahil sa iligal na droga.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ng fugitive search unit ng BI ang umano’y fraudster suspek na si Noh Kyungwoo, 35-anyos na inaresto sa F.B. Harrison Street, Pasay City, Metro Manila.
Ang isa pang wanted sa illegal drugs ay kinilalang si Kwon Soonho, 53-anyos na inaresto sa Hall of Justice bldg. sa Angeles City, Pampanga.
Sila ay kapwa inaresto sa bisa ng mission order na inisyu ni Morente at kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Taguig City.
Ayon sa FSU, si Noh ay may arrest warrant na inisyu noong Abril 2014 ng Daejeon district court sa Korea kung saan kinasuhan siya ng panloloko.
Gumamit si Noh ng pekeng pangalan upang makapangloko sa kanyang mga kababayan na umabot sa 59 million won o US$50,000 at ginagamit ang personal information ng mga biktima upang makabili at makapagbenta ito sa pamagitan ng online.
“We also learned that last Nov. 12, Manila International Airport Authority (MIAA) policemen intercepted arrested Noh for falsification of public documents but he was reportedly released on bail on the same day,” ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy.
Inisyu naman ang arrest warrant laban kay Kwon ng Seoul central district court noong June 2019 matapos siyang kasuhan dahil sa trading and administering psychotropic drugs na isang paglabag sa narcotics control act sa kanilang bansa.
“Both of them are already overstaying and undocumented aliens as their passports were already revoked by the Korean government,” ayon pa ka Sy. PAUL ROLDAN