DALAWANG Korean national na wanted din sa kanilang bansa ang inaresto ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection group kaugnay sa P210 million telephone fraud o voice phishing sa Barangay BF Homes sa Parañaque City.
Ayon sa PNP-CIDG, ang mga naarestong Koreano ay kapwa may Interpol red notice sa South Korea bunsod ng kanilang modus na nakapanglilang ng marami nilang kababayan na umaabot sa 2.8 billion Korean won o higit P115 million pesos.
Hinala ng mga awtoridad na kumikilos ang dalawa sa ilalim ng isang organized crime syndicate at nagkakamal ng limpak-limpak na salapi mula sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapakilala bilang mga opisyal ng bangko o mga nagbebenta sa isang call center.
Napag-alaman naman ng mga awtoridad na ang isa sa mga suspek ay pinaniniwalaang “underboss” ng isang criminal group na nag-ooperate ng mga voice phishing call centers sa ilang tanggapan sa Metro Manila na nakakubra ng $3.7 milyon o higit P210 million sa 215 biktima nito sa loob lamang ng anim na buwan.
Nasa kustodiya na ang dalawa ngayon ng Bureau of Immigration (BI). VERLIN RUIZ