ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa mga kaso ng illigal na droga at telecom fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang dalawang pugante na si Lee Dongju, 39-anyos at Sim Kyuchul, 40-anyos na naaresto ng mga miyembro ng BI’s fugitive search unit sa isang hotel sa Clark freeport sa Mabalacat, Pampanga.
Sinabi pa ni Morente na nag-isyu siya ng mission order para sa dalawa matapos na nakatanggap ng impormasyon mula sa awtoridad ng South Korean sa Manila hinggil sa kanilang kaso at pananatili nila sa bansa.
“We will deport them for being undesirable and overstaying aliens,” ayon kay Morente. “Their passports were already cancelled by the Korean government, which also made them undocumented,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Lee ay nagtatago sa bansa simula pa noong May 2019.
Isang warrant of arrest ang inisyu ng Suwon District Court sa South Korea kay Lee noon pang isang taon dahil sa illegal na pagbebenta ng psychotropic drugs, isang paglabag sa Korea Narcotics Control Act. Siya ay kinasuhan dahil sa pagbebenta ng Methamphetamine sa iba’t-ibang kliyente nito sa Korea.
Samantala, si Sim ay wanted sa Korea matapos na ipinag-utos ng Cheongju district court para sa kanyang pagkakaaresto noong 2017 dahil sa kasong panloloko. Siya ay nagtatago sa bansa simula pa noong 2016 at dahil sa kanyang kaso, ang pangalan nito ay kasama sa Interpol red list noong June 2019.
Ang Interpol national central bureau sa Manila ay ibinunyag na si Sim ay miyembro ng telephone fraud syndicate na naka-base sa Qingdao, China na nag-operate mula January hanggang September 2015.
Nabatid na si Sim at kakutsaba nito ay nakapanloko sa kanyang mga kababayan sa South Korea na humantong sa pagbibigay nila ng kanyang mga debit card number kapalit ng trabaho na kanilang ina-advertised sa online dahilan upang magkamal ng 5.3 million won o mahigit sa US$4,300. PAUL ROLDAN