2 KRITIKAL SA HIT-AND-RUN

RIZAL- NASA kritikal na kondisyon sa Philippine Orthopedic Ospital ang isang ginang at bata na nabundol ng truck na tinakbuhan kamakalawa ng gabi sa Rodriguez sa lalawigang ito.

Batay sa record ng awtoridad, kinilala ang mga biktima na sina Aiza Marie Valerio y Prosperos at Elusha Zavannah Tuengan y Valerio na kapwa nagtamo ng multiple serious physical injuries.

Ayon sa traffic enforcer na si Andres Frilles, dakong alas-9 ng gabi nang mabundol ng truck ang mga biktima sa J. P Rizal St., Brgy., Balite na hindi kalayuan sa munisipyo ng bayan.

Agad naman nasakote ni Frilles ang tumakas na driver na si Saturnino Marquez y Bonilla, driver ng Sino 10 wheeler truck na may plakang NDZ-8701.

Makikita sa video nang masagasaan ang mga biktima ng truck na sa halip na hintuan at tulungan ay tumakas ito patungo sa Brgy., San Rafael kung saan naaresto ng enforcer.

Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima na nagtamo ng grabeng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Gayunpaman, hindi pa rin matukoy kung sinong quarry operator ang may ari ng truck.
ELMA MORALES