2 LADY COPS NA BIHAG NG ASG LAYA NA

SULU – KINUMPIRMA ni Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde ang ginawang pagpapalaya ng Abu Sayyaf sa dalawa nilang bihag na babaeng pulis sa lalawigang ito.

Ayon kay Albayalde, base sa report ng Sulu PNP, pinalaya sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad na dinukot noong April 29, kasama ng dalawang lalaki na una nang napalaya at naisalba ng militar.

Sinasabing  unang pinalaya kamakalawa  si Gumahad habang sinundan naman ang paglaya dakong alas-10:25 ng umaga ng isa pang pulis na si Al-varez sa Barangay Samak, Talipao.

Walang nais na magkumpirma kung paano pinalaya ang dalawang bihag at kung nagkabayaran kaya pinalaya ang mga ito ng ASG.

Sinasabing noon pang ika-5 ng Mayo pinala­ya ng mga kidnapper si Gumahad subalit nitong Martes lamang umano siya sinamahan sa headquarters ng Joint Task Force Sulu subalit wala namang inilabas na pahayag ang militar.

Isang military officer ang nagsabing walang kidnapping sa area ng Mindanao ang walang sangkot na ransom o lodging fee at halos lahat ay nagkabayaran

Subalit, magugunitang matinding pressure ang ibinigay ng mga tauhan ni BGen. Cerelito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, sa grupo na pinaniniwalaang may hawak ng mga bihag na ikinasawi ng tatlong sundalo at ikinasugat ng 20 sa kanyang mga tauhan.

Sa walang tigil na search and rescue operation ng militar sa bulubunduking bahagi ng Sulu ay nasa 12 ang nakumpirmang napatay mula sa panig ng Abu Sayyaf na kabilang umano ang mga kidnapper na may hawak sa dalawang pulis.

Matatandaan na una na ring kinumpirma mismo ng PNP na humihingi noon ng P5 milyong ha­laga ng ramson ang mga kiddapper para sa dalawang pulis. VERLIN RUIZ

Comments are closed.