MAKATI CITY – SWAK sa selda ang dalawang babae nang maaktuhang nagbebenta umano ng ecstasy sa lungsod na ito noong Lunes ng gabi.
Isang tip ang natanggap ng pulisya hinggil sa aktibidad ng dalawa kaya ikinasa ang buy bust operation laban sa mga ito sa isang bar sa Brgy. Poblacion.
Kapwa nagtatrabaho sa bar ang dalawang babae bilang manager at entertainer.
Ayon kay Makati City Police chief Roger Simon, positibong nabilhan ng P3,000 halaga ng droga ang mga suspek.
Agad na inaresto ang dalawa at nakuhanan ng 10 piraso ng puting tablet na kalaunan ay natukoy na ecstasy na tinatayang nagkakahalaga ng P25,000.
Nagsusuplay umano ang dalawa ng ecstasy sa iba’t ibang bar sa Makati Avenue at P. Burgos Street.
Mariin namang itinanggi ng dalawang suspek ang mga akusasyon at iginiit na na-set up lamang sila ng isang kasamahan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.