2 LAWIN NASAGIP SA ENTRAPMENT OPERATION

NASAGIP ng mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) ang isang Brahminy Kite Hawk at Harrier Hawk na kapwa na endangered wildlife species sa isinagawang entrapment operation sa Cavite.

Kinilala ni Northern NCR MARPSTA chief Major Randy Ludovice ang naarestong suspek na si Julliane Gwen Bumanlag, 20-anyos ng Sec. 10 Blk 12 Lot 5 Brgy., San Francisco Gen. Trias Cavite.

Ayon kay Ludovice, nagawang makabili ni Pat Ecequiel Fabillar na nagpanggap na poseur-buyer ng P4,500 halaga ng isang Brahminy Kite Hawk at P6,000 ng isang Harrier Hawk sa pamamagitan ng “Omar Trinidad” account sa messenger at babayaran ng cash on delivery.

Kaagad bumuo ng team ang MARPSTA sa pangunguna ni Capt. Luisito Balatico kasama si Lt. Leonilo Garces at CMS Nemesio Garo II saka ikinasa ang entrapment operation sa parking area ng isang Drug Store sa Arnaldo Highway, Brgy., San Francisco, Gen. Trias Cavite.

Isang 39-anyos na Grab Delivery Rider ang magde-deliver ng naturang package sa Navotas Fish Port Complex kung saan sinabihan siya ng mga pulis na makipagtulungan at ibalik ang naturang package sa may-ari at pangangasiwaan siya ng team.

Matapos matanggap ang pre-arrange signal mula sa grab driver na tinanggap na ng suspek ang package na may endangered species ay agad lumapit ang mga pulis at inaresto si Bumanlag dakong alas-7:54 ng gabi.

Ani CMS Richard Denopol, ang narekober na endangered wildlife species ay itinurn-over sa Biodiversity Management Bureau, DENR Quezon City para sa proper disposition.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 27, para e (Trading of Wildlife) and para f (Possession of Wildlife Species) of RA 9147 “Wildlife Resources Conservation and Protection Act.” VICK TANES