2 LINGGO PANG LOCKDOWN DAPAT SERYOSOHIN – DILG

SEC Eduardo Año3

NANINIWALA si Interior Secretary Eduardo Ano na dapat seryosohin ang dalawa pang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon para pigilan ang pagdami ng mga nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Aniya,  nakabuti naman ang lockdown dahil may basehan na napigil nito ang paglaganap ng nasabing virus.

Aniya, kung nahuli ng implementasyon ng ECQ o lockdown ay tiyak na nalampasan ng Filipinas ang Italy sa rami ng nahawa ng nasabing virus.

Bagaman sumampa na sa mahigit 1,500 ang positibo sa COVID-19 sa bansa, sinabi ng kalihim na ito ay dahil unti-unti nang nawawala ang backlog kasunod ng mga dumarating na test kit.

“Lilinawin ko lang, ‘yung pagdami ng kaso ng mga nagpositibo ngayon, ay dahil sa dami ng test kit na naipapalabas pero hindi ibig sabihin na nagkakaroon tayo ng spiraling, ” ayon sa kalihim.

Sakali namang hindi naagapan o nagpairal ng lockdown,  posibleng sumampa sa 20,000 ang kaso.

Kaya naman nanindigan si Ano na tama ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para pigilan ang paglawak ng nasabing deadly virus.

Aminado naman ang kalihim na hindi pa niya matantiya kung hanggang kailan iiral ang Luzon-wide ECQ o kung mapa-paaga ang pagtanggal nito.

Depende aniya sa bilis ng pagdami ng mga nagpositibo o kung sumampa ito sa 5,000 ay malamang mapalawig pa.

Gayunman, aminado si Ano na hindi siya pabor na palawigin ang lockdown makaraan ang Abril 14 dahil nakaaapekto ito sa ekonomiya.

“Hindi advisable na pahabain dahil magsa-suffer nang husto ‘yung economy natin. Itong natitirang dalawang linggo nating ito, pag seseryosohin natin ito, maso-solve natin ito,” sabi ng kalihim. EC