2 LINGGONG LOCKDOWN SA SULU

Abdusakur Tan

IDINEKLARA ni Sulu Governor Abdusakur Tan na dalawang linggong isasara ang kaniyang nasasakupan simula Enero 4, 2021 kasunod ng ulat ng bagong strain ng coronavirus disease sa kalapit nilang lugar na Sabah, Malaysia.

Sa presser ng Laging Handa Public Briefing sinabi ni Tan na hanggang Enero 17 ang lockdown at maaari pang lumawig depende sa sitwasyon.

Anang gobernador, ang locally stranded individuals, overseas Filipino workers, at returning residents, ay hindi muna papapasukin sa lalawigan habang papayagan ang mga frontliner.

“This lockdown is only for the incoming and outgoing (individuals) who are not authorized. Only authorized (to enter Sulu) are the uniformed personnel and health workers,” ayon pa kay Tan.

Samantala, nilinaw naman ni Tan na ang mga kalakal at iba pang basic commodities gaya ng pagkain mula sa Zamboanga ay pahihintulutang maipasok sa Sulu.

Tiniyak din ng gobernador na aayudahan ang kanilang mamamayan sa panahon ng lockdown. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.