GENERAL SANTOS CITY – DALAWANG makabagong magsasaka o innovative farmers at isang agriculture and fishery council ang nanalo sa 2018 National Gawad Saka.
Sinabi ni Milagros Casis, regional director ng Department of Agriculture (DA) sa Region 12 (Soccsksargen), na ang tatlong nanalo ay kabilang sa apat na national finalists sa prestihiyosong annual awards program.
Ang mga nanalo ay si Engr. Daniel Apostol ng Koronadal City bilang most outstanding high-value crops farmer at Engr. Ernesto Pantua, Jr. bilang most outstanding organic agriculture farmer.
Panalo rin ang Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC) ng Tampakan town sa South Cotabato bilang most outstanding MAFC.
Si Apostol ay mayroong organic farm sa Barangay Concepcion, Koronadal City kung saan una niyang tinaniman ng iba’t ibang plantation crops gaya ng cacao at coconut gayundin ang fruit crops katulad ng durian, rambutan, at lanzones.
Si Pantua ay isa sa may-ari ng Kablon Farms Inc., na nagpo-produce at nag-e-export ng juices, jams, jellies, tablea at iba pang food products.
Naging instrument ang Tampakan MAFC sa pangunguna ni Chairman Stephen Divinagracia, para maipatupad ang government programs katuwang ang Department of Agriculture sa kanilang mga miyembrong magsasaka.
Tatanggapin ng tatlo ang kanilang parangal sa isang seremonya na gaganapin sa Malacañang sa Disyembre.
Sinabi ni Casis na ang mga nanalo ay makatatanggap ng cash prizes, trophy at citation mula kay President Rodrigo Duterte. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.