2 MALAYSIAN, 2 PINOY NASAGIP NG PHILIPPINE NAVY

TAWI-TAWI-DALAWANG Malaysian at dalawang Filipino ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy sa dagat na sakop ng lalawigang ito makaraang lumubog ang kanilang speedboats.

Sa ulat na natanggap ni Navy Flag Officer in Command VAdm Adeluis Bordado mula Naval Forces Western Mindanao, apat katao ang nailigtas ng kanilang Naval Task Force 61’s 3rd Boat Attack Division sa karagatang sakop ng Sibutu Passage.

Nabatid na nakatangap ng distress call ang Littoral Monitoring Station (LMS) Bongao mula sa nagdaraang bulk carrier W-Raptor na nakakita sa nakalubog na speedboat.

Agad na tiwagan ng LMS Bongao ang 3rd Boat Attack Division na nakabase sa Naval Station Juan Magluyan sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Ayon Naval Forces Western Mindanao Command chief, RADM Toribio Adaci Jr. PN, halos 15 oras na nagpapalutang lutang ang apat na sakay ng tumaob na speedboat matapos na hampasin ng malalaking alon bunsod ng masamang panahon bago sila nasaklolohan ng Multi-Purpose Attack Craft MPAC BA488 at BRP Juan Magluyan (PC392) na nataasan hanapin sila.

Pagod at may mga injuries ang apat na pasahero na kinilalang sina Hassan Bin Sayadi, 59-anyos at Majid Bin Ajahun, 46-anyos’ kapwa Malaysian, habang ang dalawang Pinoy naman ay kinilalang sina Jerry Erni, 35-anyos at Solar De Leon, 40-anyos.

Sa salaysay ng mga biktima nagmula sila sa Sabah at patungo sana ng Bongao Tawi-tawi sa direksyon ng Sibutu sakay ng kanilang speedboat nang makasagupa ang sama ng panahon bandang alas-6:00 kamakalawa ng hapon.

Nang dumating sa pantalan ang BA488 at PC392 sa Lamion Wharf, Bongao, ay agad na isinailalim pagsusuri ng Fleet Medical Team ng Naval Task Group Tawi-Tawi ang apat para tiyakin ang kanilang kalusugan. VERLIN RUIZ

7 thoughts on “2 MALAYSIAN, 2 PINOY NASAGIP NG PHILIPPINE NAVY”

Comments are closed.