ROMBLON- DALAWANG mangingisdang ang nasagip sa lumubog na motorbanca sa katubigan ng Quezon Island, baybayin ng San Francisco, Quezon Island.
Nabatid na nakatanggap ang Coast Guard Station Romblon ng ulat na mayroong lumubog na motor banca na may lulan na dalawang mangingisda.
Nang matanggap ang impormasyon agad na kumilos ang Coast Guard Sub Station (CGSS) Romblon Romblon at Special Operations Unit-Romblon sakay ng speedboat na TEBEN at CGSS Magdiwang sakay ng ONE ROMBLON SAR motorboat na inatasan upang magsagawa ng search and rescue (SAR) operation sa nasabing lugar.
Kinilala ang mga mangingisda na sina Rolando Riano, 69-anyos at Meynard Riano, 37-anyos na nailigtas na ng mga tripulante ng dumaan na cargo vessel na pinangalanang M/V SITC CAGAYAN, isang cargo vessel na naglalayag sa ilalim ng bandila ng Hong Kong.
Ayon sa imbestigasyon, alas-3 ng hapon noong Huwebes habang binabagtas ang katubigan ng San Francisco, Quezon, patungong San Fernando, Romblon, nakasagupa ng dalawang mangingisda ang malalaking alon at malakas na hangin na naging dahilan ng paglubog ng kanilang motorbanca.
Sinundo ng CGSS Romblon Romblon ang mga mangingisda at hinila ang kanilang motorbanca sa baybayin ng Brgy. Bagacay, Romblon, Romblon.
Samantala, itinurn-over ng CGSS Romblon Romblon ang mga mangingisda sa Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO) Romblon na nasa maayos na pisikal na kondisyon. PAULA ANTOLIN