2 MENOR, 1 PA DINAKMA SA RIOT

DINAKMA ng mga tauhan ng Manila Police District Police (MPD) Station 2 ang tatlo katao kabilang ang dalawang menor de edad sa naganap na riot kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Naghihimas na ngayon ng rehas na bakal ang mga suspek na isa rito ay si Ryan Soriano ng 375 P. Herrera 1, Brgy. 26, Zone 1, Tondo at dalawang hindi na pinangalanang menor de edad.

Sa pag-aresto sa mga suspek, nakumpiska ng mga tauhan ni Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll ang isang .45 kalibre ng baril mula kay Soriano.

Bandang alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Mel Boulevard na dating Road 10 sa panulukan ng Lakandula.

Si Soriano ay sasampahan ng kasong illegal possession of firearms in relation to Comelec Omnibus Code at alarm and scandal habang ang 2 menor de edad ay iti-turn over sa kustodiya ng DSWD.