NORTH COTOBATO- NASA malubhang kalagayan ang dalawang menor de edad na estudyante makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa lalawigang ito.
Sa report na nakarating sa tanggapan ni Pikit Chief of Police PLt. Colonel John Miridel Calinga, ang mga biktima na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ay nakilalang sina alyas Jammer, kamag-anak ng isang politiko at Justine Ababon,14- anyos at estudyante.
Nabatid na ang mga biktima ay magkasunod na pinagbabaril ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan gamit ang kalibre .45 na pistola.
Agad isinugod ang mga biktima sa Cruzado medical Hospital sa naturang bayan.
Labis namang nababahala ngayon ang mga residente sa nabanggit sa naturang lugar dahilan sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril.
Matatandaan na mismong sa Araw ng mga Puso 14, isang 13-anyos ang binawian ng buhay habang ang kasama nito na 11 anyos ay nagtamo ng malubhang tama ng bala ng baril matapos na pagbabarilin din ng mga hindi pa matukoy na suspek kung kaya ito ay kinondena ng DILG.
Samantala, nagsagawa naman ng pagpupulong ang LGU Pikit na pinangungunahan ni Mayor Sumulong Sultan, kasama ang mga militar at pulisya hinggil sa sunod – sunod na insidente ng pamamaril sa naturang bayan ng Pikit.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya kasabay ng pagkalap ng mga impormasyon na makakatulong sa paglutas sa naturang insidente. EVELYN GARCIA