(2 menor,1 pa napatay) PANANAMBANG NG NPA KINONDENA NG DND

NORTHERN SAMAR-KINONDENA NG Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang pananambang ng communist New People’s Army ( NPA) na ikinasawi ng dalawang menor de edad at pagkasugat ng isa pang sibilyan sa Catubig sa nasabing lalawigan nitong Pebrero 8.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang insidenteng ito ay testamento sa karahasang inihahasik ng mga teroristang komunista sa kahit saan lugar at pagpapakita ng walang pakundangan na pagkitil ng sibilyan.

Sa ulat na nakarating kay Lorenzana, walang habas na pinaputukan ng mga NPA ang mga sundalo na nagpapatrolya kahit alam nilang may mga sibilyan sa lugar na walang kalaban laban.

Nagpahayag ng pakikiramay ang kalihim sa mga pamilya ng mga biktima at sinabing kaisa ang sandatahang lakas sa buong bansa sa pagtamo ng hustisya.

Siniguro pa ni Lorenzana na lalong tumibay ang determinasyon ng AFP na tapusin na ang mga teroristang komunista upang mawakasan na ang kanilang pananakot at pamemerwisyo sa mga mamayan.

Napag alamang na nalagasan din ng dalawang rebelde ang CPP-NPA sa nasabing pananambang ng teroristang grupo na patuloy na tinutugis ng 30 Infantry Brigade. VERLIN RUIZ