2 MILF BULAGTA, 7 SUGATAN SA CLAN WAR

MILF

NORTH COTABATO – KAMATAYAN ang sumalubong sa dalawang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang pito naman ang sugatan makaraang tamba­ngan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa bahagi ng provincial road sa Barangay Busaon sa bayan ng Banisilan ng lalawigang ito kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang dalawa na sina Satar Guidnapan at Menta Talib habang naisugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Makakena Rajamuda, Popoy Rajamuda, Magtanggol Rajamuda, Myla Louis, Esmael Kios, Marlon Pendog, at Kalupi Puasa na pawang tauhan ni Kumander Bobby Rajamuda ng MILF.

Base sa police report na nakarating kay P/Captain Jose Ryan Pereñel, naganap ang pananambang bandang alas-9 ng umaga. Nabatid na ang grupo ng gunmen ay mga tauhan umano ni Kumander Kanda ng MILF din na kalaban ng grupo ni Kumander Rajamuda na sinasabing may matagal nang alitan ang kani-kanilang pamilya.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong rido o away-pamilya ang pangunahing motibo sa naganap na krimen habang patuloy naman ang pagmo-monitor ng awtoridad sa magkabilang panig upang hindi na maulit ang naganap na pananambang. MHAR BASCO