2 MILF COMMANDER, 1 PA TODAS SA RIDO

MAGUINDANAO DEL SUR-TATLO ang patay kabilang ang dalawang Moro Islamic Liberation Front commander habang tatlo naman ang nahuli matapos magsagupa ang dalawang magkaridó na angkan na kapwa miyembro ng magkaibang MILF base command sa lalawigang ito.

Sa ulat ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army at ng Sultan sa Barongis Municipal Police Station, nagsimula ang sagupaan ng alas-4 ng madaling araw ng Martes sa Sitio Damabago sa Barangay Barorao.

Ito’y matapos umanong sumalakay ang isang Marham Sali na company commander ng 118th Base Command ng MILF sa kinaroroonan ng puwersa ni Jaypee Emran, brigade commander ng 105th Base Command sa nasabing lugar na pinamumunuan ni Ustadz Daya, commander ng 105th base command.

Sa inisyal na ulat na natanggap ni Maj. Michael Ameril, Sultan sa Barongis police chief, napatay si Marhan Sali, commander ng 118th base Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong galamay ng MILF at isang pinsan nito sa naganap na sagupaan laban sa grupo ni Ustadz Daya, commander ng 105th base command.

Tumagal ang engkuwentro hanggang umaga kung saan napatay ang isang Justin Esmael na tauhan naman umano ni Emran.

Sa ulat ng Sultan sa Barongis Police, bandang alas 10:00 na ng umaga, pa-withdraw na sana ang tropa ni Kumander Sali nang masalubong ang nagpapatrolyang responding troops mula sa Alpha Company ng 33rd Infantry Battalion na aawat at magbibigay sana ng proteksyon sa mga lumikas na sibilyan nang paputukan sila ng mga nakasalubong na armadong grupo .

Dito ay nagkaroon ng maikling putukan na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo katao at pagsamsam sa apat na high powered firearms.

Nahuli ang tatlo matapos humalo at makorner umano sa kabahayan ng sibilyan at nakuha sa kanila ang tatlong M-16 rifle at isang M60 machine gun.

Nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya ang tatlong nadakip at sasampahan ng kaso ng mga sundalo ng 33rd IB ng illegal possession of firearms at direct assault matapos pinagbabaril ang Kia military truck ng mga sundalo.

Base din sa imbestigasyon ng Sultan sa Barongis police, may naunang pamamaslang ng nangyari nitong Disyembre 14 at dito na nagsimula na iringan at nauwi na sa rido. VERLIN RUIZ