2 MINERO PATAY SA LOOB NG BALON

KALINGA-PATAY ang dalawang minero matapos na ma-suffocate sa loob ng balon na hinuhukay sa Brgy. Balawag, Tabuk City sa lalawigang ito.

Ang mga biktima na binawian ng buhay ay nakilalang sina Ernesto Palason Ban-nua. 43-anyos, construction worker, at Eduardo Havier Ramirez, 63-anyos, kapwa residente ng Brgy. Balawag, Tabuk City, Kalinga.

Ayon sa salaysay ni George Garita, kasamahan ng dalawang biktima na nagtungo si Ban-nua sa balon na nasa siyam na metrong lalim nang walang suot na anumang proteksyon sa katawan.

Habang siya’y nasa loob ng balon, nahilo umano ito kaya tinawag ang kasamahan na si Ramirez upang tulungan siya.

Nang subukan naman sagipin ni Ramirez si Ban-nua ay bigla rin umano itong nahilo.

Sinubukan namang tulungan ni Garita si Ramirez gamit ang tali subalit tuluyan na rin itong nahulog sa balon.

Agad umanong humingi ng tulong sa kanilang Barangay si Garita kaya naiahon din ang katawan ng dalawang biktima.

Dagliang isinugod sa pagamutan ang mga biktima, subali’t idineklarang dead on arrival.
EVELYN GARCIA