DALAWANG notoryus na miyembro ng Romil Villamin Criminal Group ang nasakote ng Pasay City police na nahulihan ng baril sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) kamakalawa ng gabi sa lungsod.
Sa report na isinumite ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, nakilala ang mga suspek na sina Raymond Andrade y Susano, a.k.a. Raymond, 27-anyos at Yuri Acelar y Salinas, a.k.a. Yuri, 32-anyos, kapwa residente ng Pasay City.
Sa report ni Paday-os, nasakote ang dalawang suspek habang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) operations ang mga tauhan ng Intelligence Section dakong ala- 6 gabi sa kahabaan ng Twin Pioneer Street, Brgy 148, Zone 16, Pasay City.
Sinabi ni Paday-os na nagsasagawa ng SACLEO operations ang mga miyembro ng Pasay police Station Intelligence sa Narra Street, Brgy 145, Zone 16 nang makatanggap sila ng impormasyon sa kanilang asset na may mga miyembro ng RomilVillamin criminal group ang nasa Twin Pioneer Street, Brgy. 148 Zone 16 na nagpaplanong magsagawa ng kanilang illegal na aktibidad.
Agad na nagtungo ang mga operatiba sa lugar kung saan sila nagtagpo ng kanilang asset na nag-nguso sa kinaroroonan ng mga suspek.
Habang papalapit ang mga operatiba ay namataan ito ng mga suspek kaya’t nagsipagtakbuhan ngunit agad din naming nasakote ng pulisya.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalang .38 kalibre rebolber na kargado ng bala.
Bukod sa isasampang kaso na paglabag sa City Ordinance No. 6129 (No Facemask), nahaharap din ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act).
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang mga ito habang inihahanda ang kasong isasampa sa mga ito sa Pasay City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ