(2 miyembro ng drug syndicate todas) P210 M SHABU NAKUMPISKA

TINATAYANG mahigit sa P210 milyong halaga ng shabu ang nakum­piska ng mga awtoridad sa isinagawang anti narcotics ope­ration na ikinamatay ng dalawang kasapi ng Amarga drug syndicate ka­makalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Sa ulat na ibinahagi ni PNP Chief General Debold Sinas, napatay sa ikinasang buy bust operation sina Richard Jen Jieko (Coco/Kokoy) Salameda Amarga at Andrew Guinto Garcia .

Nabatid na nakipagkasundo ang mga police gamit ang isang nagpapangap na poseur buyer para bumili ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyong subalit sa gitna ng transaksiyon ay bigla nagkaputukan.

Agad naman gumanti ng putok ang mga ope­ratiba at napatay nila ang dalawang suspek.

Nang simulan ang clearing operation sa encounter site, tumambad sa mga operatiba ng PNP-Police Drug Enforcement Group sa pamumuno ni PDEG Director Bgen.Remus Medina ang may 30 kilo pa ng shabu sa kulay pulang Toyota Innova na gamit ng mga suspek na tinatayang aabot sa P210 milyo ang street value.

Nakuha rin sa crime scene ang dalawang cal. 45 na gamit ng mga suspek nang kumasa sa pinagsanib na puwersa ng PNP-PDEG; Philippine Drug Enforcement Agency-NCR (PDEA-NCR), Las Pinas City Police Station, NCRPO Regional Intelligence Division, NICA, Criminal Investigation and Detection Group-Camp Crame at Regional Special Ope­ration Group NCRPO sa Sherack St., Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City.

Hinala ng mga awtoridad na galing sa Pampanga ang droga at nakatakdang ibenta sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon kung saan nakumpirmang mula sa isang Chinese national na galing Myanmar dahil sa packaging nito na nakasilid sa tea packages. VERLIN RUIZ/MARIVIC FERNANDEZ

One thought on “(2 miyembro ng drug syndicate todas) P210 M SHABU NAKUMPISKA”

Comments are closed.