2 MIYEMBRO NG KFR TODAS SA ENGKUWENTRO

RIZAL- PATAY ang Dalawang miyembro ng kidnap for ransom group nang maka-engkuwentro ng mga kagawad ng Calabarzon-PNP at PNP-AKG kahapon ng umaga sa Pililla sa lalawigang ito.

Sugatan si Patrolman Joshua Lingayo matapos na magtamo ng tama ng bala sa tiyan at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan habang nakatakas naman ang dalawa pang suspek.

Ligtas namang nabawi ang dalawang biktima ng kidnaping na pawang mga Chinese-Filipino.

Kinilala ni AKG Director Brig Gen. Rudolph Dimas, ang dalawang napatay na suspek base sa nakuha sa kanilang ID na sina Rolly Reyes Castillo at Jerameel Ventura na ang mga labi nito ay kasalukuyang nasa Valencia Funeral Parlor sa bayan ng Pililla.

Sa ulat ng AKG, Hunyo 3 nang dukutin ng mga suspek ang magpinsan na isang 21-anyos na lalaking estudyante at ang 34-anyos na negosyante sa San Rafael Village sa Tondo, Manila gamit ang isang motorsiklo at isang Honda CRV na may plakang XJC 170.

Humingi ang mga kidnaper ng ransom na P100 milyon sa pamilya ng mga biktima at nagkaroon ng negosasyon hanggang sa magkasundo na magbabayad nitong Hunyo 13.

Unang napagkasunduan na dadalhing halaga sa Turbina Calamba City, Laguna subalit nagbago ng pasya at sa Pakil, Laguna na nakuha ang bayad sa ransom.

Kahapon ng madaling araw, Hunyo 14 ay nai-release ang mga biktima sa harap ng isang mall sa Famy Laguna.

Lingid sa mga suspek nakatimbre na sa PNP-AKG ang payoff ng ransom money at nasundan ang getaway vehicle ng mga suspek sa isang lugar sa Pililla Rizal at doon naganap ang engkuwentro na ikinasawi ng dalawa sa mga suspek,

Narekober mula sa mga napatay na suspek ang tatlong iba’t-ibang kalibre ng baril.

Isang manhunt operation naman ang ikinasa laban sa dalawang pang nakatakas na suspek. ELMA MORALES