INANUNSYO ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas nitong Biyernes na dalawa na lamang ang active COVID-19 cases nito, ang pinakamababa ngayong taon.
Sa 18 na mga Barangay sa lungsod ay tanging ang Barangay NBBS Dagat-Dagatan at NBBS Kaunlaran na lamang ang may natitirang tig-isang COVID patient kasunod ng magkakasunod na zero daily case reports.
Dahil dito, pinasalamatan ng pamahalaang lokal ang mga Navoteños para sa kanilang suporta at kooperasyon sa pagtataguyod sa paglaban kontra COVID-19.
“Maraming, maraming salamat po sa inyong patuloy na pag-iingat at pakikiisa sa ating laban sa COVID-19. Manatiling nakataas ang depensa at paigtingin pa ang opensa sa pamamagitan ng pagsunod sa health at safety protocols at pagpapabakuna kasama ang booster doses para ma-zero na natin ito!” anila.
Gayunpaman, pinaalalahan pa rin na dapat na mas mag-ingat ang lahat matapos kumpirmahain ng Department of Health ang lokal transmisyon ng mas nakakahawang Omicron sub-variant para maiwasan ang posibleng pagkalat ng hawaan nito. EVELYN GARCIA