2 NADAWIT SA ‘LOVE TRIANGLE’ DEDO SA PAMAMARIL

CAVITE – KAMATAYAN ang sinapit ng magkaibigang lalaki habang ang isa naman ay nasa kritikal na kalagayan makaraang pagbabarilin ng magkakatropang senglot na nag-iinuman sa bahagi ng Brgy. Palangue 3 sa bayan ng Naic sa lalawigang ito nitong Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na police report ni SSg. Richard F. Atienza na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, kinilala ang mga nasawi na sina Lennox Nuguid, 24-anyos; Rico Mariscotes, 23- anyos, kapwa napatay; at sugatan Naman si John Aldy Benjo, 24-anyos, kasakukuyang ginagamot sa GEAMH TMC.

Nasakote naman ng pulisya ang isa sa tatlong suspek na si Joshua “Jotjot” Mojica y Mojica, 25-anyos habang tinutugis naman ang dalawa pang akusado na sina John “Laloy” Zyrus Tafalla y Mojica at Janiel Tafalla y Mojica, 25-anyos na pawang nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakatuklasan ni alyas Laloy na ang biktimang si Bendijo ay sinasabing may illicit affair sa kanyang common-law wife na si Trisha.

Gayunpaman, kinompronta ni Laloy ang kanyang ka-live partner saka ginulpi bago tinawag ang dalawang katropa para mag-inuman at pag-usapan ang masamang bakak kay John Aldy.

Nabatid na nakarating sa kaalaman ni John Aldy ang masamang balak ni Laloy kaya nagpasundo ito sa magkaibigang Rico at Lennox kung saan sila magkakaangkas sa motorsiklo.

Dito na hinarang ang motorsiklo ng mga biktima na naparaan sa lugar kung saan nag-iinuman ang mga suspek hanggang sa magkasuntukan na nauwi sa pamamaril at pagkamatay nina Lennox at Rico. MHAR BASCO