BULACAN – DALAWANG lalaking nag-iinuman sa gilid ng kalsada ang inaresto ng barangay tanod at operatiba ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU) ng Plaridel Police na nagsasagawa ng Patrolya ng Bayan at Oplan Sita makaraang tangkaing itapon ang pouch na may lamang limang sachet ng damo sa Barangay Lumang-Bayan,Plaridel.
Base sa report ni P/Lt.Col. Victorino Valdez,Plaridel police chief, kay P/Col.Lawrence B. Cajipe,Acting Provincial Director ng Bulacan PNP,nakilala ang naarestong sina Jayson Suazo at Angelo Borjak, kapwa residente sa lugar na nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong kriminal at ipinasailalim din sa drug test sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office sa Malolos City.
Alas-9:00 ng gabi nang nagsagawa ng Patrolya ng Bayan ang Barangay Tanod at Plaridel police sa Barangay Lumang-Bayan,Plaridel at nakita nila ang dalawang suspek na nag-iinuman sa gilid ng kalsada na mahigpit na ipinagbabawal sa ordinansang ipinatutupad sa nasabing munisipalidad at nang tatanungin ang dalawang suspek para sa kanilang pagkakakilanlan ay tinangkang itapon ni Suazo ang kulay berdeng pouch na may lamang damo.
Inaresto ang dalawang suspek matapos lumabag sa ordinansa at makumpiskahan ng droga samantalang tatlo pang drug suspect ang nadakip nang masita habang sakay ng isang motorsiklo dahil walang suot na helmet at violation of excess of passenger sa MacArthur Highway,Barangay Tikay,Malolos City, Bulacan kung saan nakumpiskahan ito ng isang pakete ng damo at dalawang patalim.
Pinaiigting pa ang Bulacan PNP ang anti-illegal drug operation sa lalawigan gayundin ang kampanya sa kriminalidad bunga ng direktiba ni P/Brig.Gen.Rhodel Sermonia,Regional Director ng Police Regional Office 3(PRO3). MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.