2 NAGSUGAL SA LAMAYAN ITINUMBA NG BALA

sugal

CALOOCAN CITY– PATAY ang dalawa katao kabilang ang isang binatilyo habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa isang lamay sa lungsod na ito.

Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan sina Jasper Esliza, 17, out of school youth, ng Barangay 144, at Crisanto Santiago, 29, helper ng Malvar Street, Barangay 142.

Patuloy namang inoobserbahan sa Manila Central University (MCU) hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Joshua Arcega, 27, ng No. 64 Gen Mascardi Street, Barangay 144.

Ipinag-utos na ni Caloocan Police Chief Col. Noel Flores sa kanyang mga tauhan ang follow-up na imbestigasyon sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.

Sa ulat, bandang alas-11:20 ng gabi, naglalaro ng ilegal na sugal sa isang lamay sa kahabaan ng Balagtas Street malapit sa Ezekiel Alley, Barangay 143, ang mga biktima nang dumating ang gunman at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito bago mabilis na tumakas patungong Malolos Ave­nue.

Dead on the spot si Santiago at Esliza habang isinugod naman sa natu­rang pagamutan si Arcega. EVELYN GARCIA

Comments are closed.