FORT DEL PILAR, BAGUIO CITY – MAYROONG karagdagang 261 na opisyal ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang mga ito ay pawang nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA).
Ang mga bagong opisyal na may ranggong 2nd Lieutenant ay miyembro ng PMA Mabalasik Class of 2019.
Samantala, dalawa naman ang hindi nakasama sa graduation rites at ayon kay PMA spokesman Major Reynan Afan, inalis ang mga ito sa orihinal na bilang ng mga nagsipagtapos dahil sa paglabag sa mga regulasyon.
Dahil dito, posibleng maantala ang kanilang paglabas ng dalawang kadete sa PMA ng isang taon o kaya ay isabay sila sa mga magsisipagtapos sa susunod na graduation sa 2020.
Nabatid na nahaharap ang dalawa sa kaparusahan subalit hindi kailangan suspendihin dahil hindi naman nila nilabag ang Cadet Honor Code ng elite military academy.
Nanguna sa top 10 ng PMA Mabalasik si Cadet 1st Class Dionne Mae Umalla, ng Alilen, Ilocos Sur.
Si Umalla na kabilang sa limang babaeng kadete na nag top PMA 2019 ay tumanggap ng Presidential Saber mula kay Pangulong Duterte, Philippine Navy Saber mula naman kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad at Distinguished Cadet Award, Academic Group Award at iba pa.
Si Umalla ang ikalimang babae na naging class valedictorian sa PMA simula noong 1993 ay napiling maglingkod sa Philippine Navy. VERLIN RUIZ
Comments are closed.