2 NASAMPULAN SA GUN BAN

ARESTADO ang dalawa katao matapos lumabag sa unang araw ng pagpapatupad ng Commission on Election (Comelec) gun ban sa ipinosteng checkpoints sa Navotas at Caloocan City.

Naganap ang unang paglabag bandang alas-2:20 ng Linggo ng madaling araw sa Navotas City matapos sitahin ang isang sasakyan na dumaan sa checkpoint at hanapan ng mga kaukulang dokumento at ID subalit nakitaan ito ng baril.

Habang sa Caloocan, isang lalaki naman ang pinara ang sinasakyang motorsiklo nang dumaan sa checkpoint dahil walang suot na helmet at habang iniimbestigahan ang suspek ay nakitaan ito ng baril na nagresulta sa pagkakaeresto ng suspek dahil walang maipakitang kaukulang dokumento sa pagdadala ng baril.

Samantala, tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Ge­neral Vicente Danao Jr., na kailangang mahuli ang mga nagdadala ng baril, may lisensya man o wala dahil hindi sila pinapayagan na magdala ng baril ngayong ipinatutupad na ang Comelec gun ban. VICK TANES