DIPOLOG CITY – PATAY ang magtiyahin matapos na makulong sa nasusunog nilang bahay sa Dipolog City na malubhang ikinasugat ng isa pa Martes ng madaling araw.
Kinilala ng Dipolog City PNP ang nasawi na si Necita Velasco, 64-anyos, at ang 13-anyos niyang pamangkin na si Angel Kesha Mae Velasco makaraang ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Gulayon ng nasabing lungsod.
Isa namang residente din ang nasugatan sa nasunog na bahay at kinilalang si Lani Montillana.
Ayon kay Rogem Dolotalias, caretaker, malakas na ang apoy nang datnan niya ito kaya nahirapan na rin siyang tulungan ang kaniyang amo lalo pa’t napalilibutan ng grills ang buong bahay
Nabatid na umabot lang sa ikalawang alarma ang sunog na naapula matapos ng mahigit 30 minuto.
Ayon kay Fire Officer 2 Alchester Progosu, nagsimula ang apoy sa sala ng bahay subalit hindi pa tiyak kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Subalit, ayon kay Progosu, kabilang sa mga posibleng pinagmulan ng apoy ang isang cellphone na naiwang naka-charge. VERLIN RUIZ