2 NEGOSYANTENG NANINGIL NG PAUTANG PINAGBABARIL

BATANGAS – PATAY ang dalawang negos­yante na naniningil ng pautang matapos pagbabarilin ng kanilang sinisingil sa Barangay Banyaga, Agoncillo sa lalawigang ito nitong Martes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Eugene Petil, tubong  Bicol  at si James Clerk Asuncion, residente ng Nueva Ecija na kapwa negosyante ng animal feed supplies na nakabase sa Nueva Ecija.

Nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Agoncillo PNP matapos na makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa dalawang lalaking duguan na nakitang  nakahandusay sa labas ng isang kubo.

Wala nang buhay ang mga ito nang makita at maabutan ng mga awtoridad dakong alas-4:20 ng hapon na tadtad ng tama ng mga bala ng baril sa ulo at katawan .

Ayon kay Maj. Broderick  Noprada, hepe ng Agoncillo PNP na lumalabas sa imbestigasyon na nagtungo ang mga biktima sa lugar upang singilin ang suspek sa malaking pagkakautang  sa  mga kinuha nitong animal feeds.

Subalit sa halip na magbayad umano ng utang ang suspek ay pinagbabaril nito  hanggang sa mapatay ang mga biktima.

Kasama ng suspek sa pamamaril ang dalawa pang lalaki na agad tumakas matapos ang insidente.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad natagpuan sa lugar ng crime scene ang mga  basyo ng bala ng .45 caliber, isang cellphone at sasakyan ng mga biktima.

Matapos ang masusing imbestigasyon, nakakuha ng impormasyon ang mga pulis kung saan lugar nagtatago ang tatlong suspek na mabilis na naaresto sa isinagawang follow up police operation ng mga tauhan ng Agoncillo PNP.

Nasa kustodiya at nakakulong sa Agoncillo PNP costudial facility ang mga suspek at nakatakdang kasuhan ng double murder ang mga ito.

BONG RIVERA