2 NPA MEMBERS NAGBALIK-LOOB SA PAMAHALAAN

ISABELA- NAGBALIK-LOOB sa pamahalaan ang dalawang miyembro ng teroristang Komiteng Larangang Guerilla-AMPIS, Ilocos-Cordillera Regional Committee dala ang kanilang mga baril habang nadiskubre rin ng mga sundalo ang ilang mga pampasabog at gamit medikal ng teroristang grupo noong ika-28 ng Nobyembre taong kasalukuyan sa probinsya ng Kalinga.

Sa bayan ng Pinukpuk, kusang sumuko sina alyas Berto, 33-anyos, miyembro ng Squad 1 at alyas Ben, 29-anyos, miyembro ng Squad 3 ng nasabing grupo sa pinagsanib na pwersa ng 50th, 54th, at 98th Infantry Battalions.

Bitbit ni alyas Berto sa kanyang pagsuko ang isang M14 rifle, dalawang magazine na naglalaman ng 15 na mga bala ng M14; habang dala naman ni alyas Ben ang isang cal. 30mm carbine na may isang magazine na naglalaman ng pitong bala.

Habang sa bayan naman ng Balbalan, nadiskubre ng tropa ng 50IB ang mga kagamitang pandigma ng Communist NPA Terrorists (CNTs).

Nagpaabot ng pasasalamat si Lt.Col Melanio Somera, Battalion Commander ng 50IB sa Former Rebel na nagbigay ng impormasyon upang makumpiska ang mga kagamitang pandigma at pang medikal ng mga teroristang grupo.

Kanya ring pinasalamatan ang ginawang pagsuko ng dalawang NPA bitbit ang kanilang armas.

Ikinalugod naman ni BGen Santiago Enginco, Commander ng 503rd Infantry Brigade ang naging pagsuko ng dalawang NPA dala ang kanilang armas at ang maagap na pagtugon ng 50IB sa impormasyong ibinahagi sa kanila na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga gamit pandigma ng teroristang grupo.

Hinikayat naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang mga natitira pang mga miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan.
IRENE GONZALES