ISABELA – DALAWANG pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nahuli ng pinagsanib na puwersa ng 86th Infantry Battalion at ng PNP Jones, habang nagsasagawa umano ng indoctrination sa mga naninirahan sa may Barangay Diarao Baba, Decamay 2, Jones.
Ayon kay Lt. Col. Remegio Dularte, commander ng 86th IB, hindi umano nakapalag at hindi rin itinanggi ng dalawang nahuli na sina alyas Dian at alyas RJ, kapwa 33-anyos, ang kanilang mga edad na sila ay kumpirmadong kasapi ng NPA.
Una rito, ilang concerned citizen sa nasabing barangay ang nagpahatid ng balita sa mga kinauukulan na ang presensiya ng dalawang nahuli kung saan ay plano umano nilang magsagawa ng indoctrination sa mga malalayo at bulubunduking lugar na sakop ng bayan ng Jones.
Kaagad namang nagsagawa ng operasyon ang hanay ng militar katuwang ang pulisya na naging sanhi ng pagkakahuli sa dalawa.
Nakuha naman sa pag-iingat ng dalawa ang isang hand grenade, writing paraphernalia at marami pang iba na tulad umano ng mga sobersibong dokumento.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni Dulatre ang mga NPA na bumalik na sa pamahalaan at makipagtulungan na lamang sa pagkamit ng kapayapaan at kaayusan ng bansa. IRENE GONZALES
Comments are closed.