2 NPA REBELS PATAY SA ENCOUNTER

MISAMIS ORIENTAL -DALAWANG hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa engkuwentro sa Gingoog City, nitong Martes.

Ayon sa 4th Infantry Division ng Philippine Army, ang mga sundalo sa 58th at 16th Infantry Battalions ang rumesponde sa panawagan ng mga residente roon hinggil sa presensiya ng nasa 20 armado sa Barangay Bal-ason.

Nang magkamataan ay nagkapalitan na ng putok ang dalawang panig na umabot sa 30 minuto.

Sinasabing mga miyembro ng Guerilla Front at SRSDG Eagles, Sub-regional Committee 1 (SRC1) ng North Central Mindanao Regional Committee.

Makaraang humupa ang putok at sa clearing operations ay nakuha ang labi ng umano’y rebelde na dalawang lalaki.

Nakuha sa kanilang labi ang isang M16 Rifle, isang AR18 Rifle, dalawang AK-47 rifles, isang M203 grenade launcher, subversive documents, at iba’t ibang personal na kagamitan.

Pinuri naman ni Philippine Army Chief at 4ID commander Major General Romeo Brawner Jr. ang masigasig na operasyon ng militar.