BULACAN-WALONG drug pushers kabilang ang dalawang online sellers ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bulacan PNP sa serye ng drug-bust operation na ikinasa sa bayan ng Balagtas, Meycauayan City at apat pang munisipalidad sa maghapong anti-illegal drugs operation kamakalawa sa lalawigang ito.
Base sa report na isinumite kay Col. Rommel J. Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong durg suspects na sina Risen Idanan,24-anyos ng Barangay Wawa, Balagtas at kasosyo nito sa online selling ng damo na si Joshua Magpayo, alias Baldo,25-anyos ng Barangay Mabolo,Malolos City.
Nasakote rin ang anim pang drug personalities na sina Delfin Navarro alias Jowel ng Barangay Sto.Rosario, Paombong; Magellan Losorata alias Mags ng Barangay Bunlo, Bocaue; Arnel Cielo ng Barangay 188,Caloocan City; Slyvia Mesina ng Minuyan; Rhodora Cruz ng Barangay Matictic, kapwa sa bayan ng Norzagaray at Albert Dela Cruz alias Mitsune ng Barangay Calumpang,San Miguel.
Ang mga drug pusher ay sunod-sunod na nalambat sa buy-bust operation sa bayan ng Balagtas, Paombong, Bocaue, Meycauayan City, Norzagaray at San Miguel matapos ang week-long surveillance operations.
Dakong alas-11 ng umaga nang kumagat sa buy-bust operation ng SDEU ng Balagtas Municipal Police Station (MPS) sa overall supervision ni Major Michael R. Udal, Balagtas police chief, ang dalawang online sellers na sina Idanan at Magpayo nang nakipagtransaksyon sa undercover policeman na umaktong poseur-buyer sa Bypass road, sakop ng Barangay Borol 1st, Balagtas.
Nakuha sa dalawang suspek ang isang piraso ng selyadong brick size ng damo, 21 plastic zip-lock ng damo with fruiting top gayundin ang buy-bust money at lumilitaw na kabilang ang mga ito sa grupo ng online seller ng damo na kumikilos sa Bulacan.
Sunod-sunod din nadakip ng SDEU ang anim pang drug pushers sa bayan ng Paombong, Bocaue,Norzagaray, San Miguel at Meycauayan City kung saan ay narekober sa kanilang pag-iingat ang kabuuang 27 pakete ng shabu at buy-bust money na pawang nakakulong ngayon ang mga ito at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 na kaagad ipinasailalim sa drug test sa crime laboratory. MARIVIC RAGUDOS