NASAKOTE ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang anti-illegal gambling operation ang dalawang operators na miyembro ng Amado Group na sangkot sa illegal number games sa Malabon nitong nakaraang Huwebes ng hapon.
Pinangunahan ni CIDG Northern District Field Unit chief Lt Col. Dominick S Poblete sa ilalim ng pamumuno ni Col. Hansel Marantan ang pagsasagawa ng ‘Oplan Bolilyo at Salikop’ na nagresulta sa pagkakaaresto kina Leonora Macapinig y Cuyos, 68-anyos, may asawa na kasalukuyang naninirahan sa Blk. 13, Lot 16, Hernandez St., Catmon, Malabon at Felicita Crebillo y Quinto,59-anyos, may asawa, at nakatira sa Blk. 12, Lot 27, Hernandez St., Catmon, Malabon.
Napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang CIDG-NDFU mula sa kanilang confidential agent na may nagaganap na operasyon ng ilegal na sugalan / number games na kung saan isang alyas Nora na kolektor ng ilegal na sugal na kilala bilang Lotteng/ EZ-2 kung saan ay nag-ooperate sa paligid ng Hernandez St., Catmon, Malabon.
Agad na nagsagawa ng pagsalakay ang grupo at nagresulta ng pagkakaaresto sa dalawang suspek na naaktuhang nangongolekta at nag-tally ng ilang mga sheet na may numerical entries para sa pagtaya sa Lotteng/EZ-2.
Nakumpiska sa mga suspek ang 1 long pad na may numerical entries ng mga tumaya; 2 maliit na pad na may mga numerong nakasulat na inilaan para numero na itataya; 1 ballpen; 1 wallet at pera na nagkakahalaga ng P3,380 na may iba’t ibang denominasyon.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng CIDG NDFU kasama ang mga ebidensiyang nakumpiska para sa imbestigasyon at kasong isasampa laban sa mga ito.