NAITURNOVER na ng Senado sa Pasay City jail ang pangangalaga sa dalawang opisyales ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Lincoln Ong at Mohit Dargani nitong Lunes ng hapon.
Bago pa man dalhin sa Pasay City jail sina Dargani at Ong ay sumailalim muna ang mga ito sa medical examination at COVID-19 antigen test sa Senado na nagnegatibo naman ang kanilang mga resulta kasabay ng pagsasagawa ng mga doctor ng medical checkup upang masiguro na maayos ang kanilang kalusugan.
Nagkaroon na rin ng koordinasyon kay Pasay City Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) chief Supt. Ramil Vestra para sa seguridad nina Dargani at Ong sa paglipat sa Pasay City jail.
Personal namang sinamahan ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os ang dalawang Pharmally executives na hindi na pinosasan mula senado hanggang makarating sa Pasay City jail lulan ng kulay grey na Toyota Innova na may marking Senate of the Philippines na may plakang SHY 170 kasama si Senate Sgt. at Arms Director Manuel Parlade.
Ayon sa tagapagsalita ng BJMP na si Xavier Solda, preparado naman ang pasilidad sa paglipat nina Dargani at Ong at ginarantiyahan din ang publiko na walang magaganap na special treatment sa mga ito sa Pasay City jail.
“Walang special treatment. Walang preferential attention para sa kanila. Ang policy ng BJMP, pantay-pantay na pagtrato sa lahat ng aming mga (persons deprived of liberty) PDL. Patas na pagmamalasakit sa lahat,” ani Solda.
Sinabi ni Solda na isasailalim sa mandatoryong quarantine period na 10 hanggang 14 araw ang dalawang Pharmally execs bago mailipat ang mga ito sa selda ng general population.
Dagdag pa ni Solda na ang Pasay City jail ay congested na pasilidad kung saan mayroong 1,104 PDLs. MARIVIC FERNANDEZ