DALAWA pang group supervisors ng Bureau of Internal Revenue na nakatalaga sa Large Taxpayers Service ang umano’y naging biktima ng robbery/kidnap syndicate.
Ang mga pinakahuling biktima ay kinilala lamang sa mga alyas na ‘Espiritu’ at ’Mariquit’.
Ayon sa source, bago nilooban sina ‘Mariquit’ at ‘Espiritu’ ay nauna nang dinukot noon lamang nakaraang linggo ang isa pang alyas ‘Dennis’ na sinasabing isang examiner na nakatalaga sa Cainta Revenue District Office. Si ‘Dennis’ ay sakay umano ng kanyang luxury car nang harangin at dukutin ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan mula sa kanyang pinapasukang tanggapan. Mula noon hanggang sa isinusulat natin ang pitak na ito ay hindi pa umano nakikita si ‘Dennis.’
Sina ‘Espiritu’ at ‘Mariquit’ ay sinasabi namang papasok sa kanilang tanggapan sa BIR national office nang pasukin ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay, tinangay ang kanilang ‘vault’ na naglalaman ng malaking halaga sa magkasunod na oras.
Umaabot na umano sa 14 ang nabibiktima ng sindikato na bumibiktima sa top officials at revenue executives ng BIR.
Karamihan sa mga biktima ng sindikato ay nakatalaga sa Metro Manila at humahawak ng mataas na posisyon.
Dahil sa lumalalang sitwasyon sa BIR, marami na umano ang nagbabalak na magbitiw sa kanilang tungkulin, ang iba ay planong mag-optional o early retirement at mangibang bansa kasama ang kani-kanilang pamilya upang makaiwas na ma-target ng nasabing sindikato.
Ilan sa ranking officials ang napilitan na rin umanong mag-file ng resignations sa takot na madamay pa ang kanilang pamilya.
Blangko sa impormasyon ang top management ng BIR dahil wala pa rin sa mga sinasabing biktima ang naglakas-loob na lumantad at maghain ng pormal na reklamo laban sa sindikato.
Pero, ayon sa source, posibleng may taga-BIR na kasabwat ang nasabing sindikato dahil alam ng grupo ang mga kilos at galaw ng kanilang bibiktimahin, kung sino-sino ang kanilang bibiktimahin at kung sino-sino ang may itinatagong kaha de yero sa kanilang tahanan na pinaniniwalaang milyon-milyong piso ang laman.
Dahil sa sunod-sunod na insidenteng ito ay marami sa ranking officials ng BIR ang hindi nagsisipasok sa kanilang tanggapan, marahil ay para makaiwas sa nagbabadyang panganib sa kanilang buhay.
Nabatid sa source na ang dalawang opisyal ng BIR na diumano’y dinukot at pinatutubos ng sindikato ay pumapasok na ulit sa kanilang opisina na parang walang nangyari.
Ang iba pang biktima ay kinilala sa mga alyas na ‘Cezar’, ‘Combs’, ‘Inday’ at ‘Cory’, pawang nilooban ng mga armadong la-laki at tinangay ang kanilang kaha de yero.
Mas minabuti umano ng mga biktima na manahimik na lamang sa halip na magreklamo sa takot na maakusahan ng pagkakaron ng ‘ill-gotten wealth’.
Si alyas ‘Cezar’ na naka-assign din sa Large Taxpayers Service ay natangayan ng kaha de yero na naglalaman umano ng P20 milyon hanggang P50 milyon, habang si alyas ‘Combs’ ng BIR Makati City ay nawalan ng P15 milyon hanggang P25 milyon.
Ganito rin ang pattern na ginamit ng sindikato kay alyas ‘Cory’ na nakatalaga naman sa BIR Caloocan City.
Samantala, si alyas ‘Inday’ na nakatalaga sa BIR Marikina ay binugbog pa umano ng mga armadong lalaki matapos pumalag nang tangayin ang kanyang kaha de yero.
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.