CAGAYAN- TAMA ang naging kautusan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva kamakalawa sa mga tauhan nito at maging sa local PNP units at mga elemento ng Philippine Marines at Navy na maging alerto dahil posibleng may mga madidiskubre pang cocaine bricks sa nasabing lugar matapos na makakuha ng tatlong bricks ang mga mangingisda sa lalawigang ito.
Kahapon, dalawa pang brick ng cocaine natagpuang inaanod sa tubig-dagat sa sa Barangay Fuga, Aparri na may markang katulad ng narekober sa 3 brick ng cocaine na natagpuang lumulutang sa tubig-dagat sa pagitan ng Abulug at Ballesteros ng mga mangingisda kamakalawa.
Sa report na isinumite kay Villanueva ni PDEA Region 2 Director Joel Plaza, ang dalawa pang brick na binalot ng transparent tape at brown tape na may logo ng Columbian Football Team na may letra M at dalawang singsing na naglalaman na humigit-kumulang 3 kilo ng droga at may street value na P15,900,000 ay resulta sa tulong ng komunidad sa nasabing lugar.
Ayon kay Plaza, ang pinaigting na information drive at public awareness campaign na ginawa ng PDEA RO II at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng “Comprehensive Anti-Illegal Drugs Plan” ay nagbubunga na.
Naging matagumpay ang pagsasagawa ng serye ng Trends in Drug Smuggling at Coast Watch Seminar sa pakikipagtulungan ng PGC at PNP sa lalawigan ng Cagayan sa mga mangingisda upang i-report sa kinauukulan tulad ng mga barangay upang ipagbigay alam sa PDEA. VERLIN RUIZ