2 PANG FOREIGN FIRMS SASAGIPIN ANG HANJIN

HANJIN-2.jpg

MAY dalawang dayuhang kompanya ang nagpahayag ng interes na mag-take over o mag-invest sa bangkaroteng Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines, ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

“Mayroon na rin pong mga lumapit sa akin na two other foreign companies na tulungan silang lumapit sa (rehabilitation) receiver at sa Hanjin,” pahayag ni SBMA Chairman Wilma Eisma sa panayam sa radyo.

Hindi naman tinukoy ni Eisma ang dalawang naturang foreign firms, subalit tiniyak na hindi Chinese companies ang mga ito.

Nauna rito ay sinabi ng Department of Trade Industry (DTI) na dalawang Chinese shipbuilding companies ang interesadong sagipin ang Hanjin Philippines.

Opisyal nang isinailalim ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 72 ang Korean shipbuilder sa corporate rehabilitation makaraang humi­ling ang shipbuilder ng financial relief mula sa lumalaking pagkaka­utang nito sa mga local at Korean lenders.

Noong Enero 8 ay naghain ang kompanya ng petisyon sa korte upang magsagawa ng voluntary rehabilitation sa ilalim ng Republic Act 10142 o ang “An Act Providing for the Rehabilitation or Liquidation of Financially Distressed Enterprises and Individuals.”

Napag-alaman na ang Hanjin Philippines ay may pagkakautang sa Philippine banks ng $400 million at $900 million sa South Korean lenders.

Nauna na ring nagpahayag ng interes ang pamahalaan sa pag-take over sa operasyon ng Hanjin Philippines.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lo­renzana,  puwedeng sa nasabing shipyard gawin ang mga barko para sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

Aniya, pag-aaralan ng mga economic manager ng Pangulo kung viable ang nasabing panukala dahil sa laki ng pagkakautang nito sa mga lokal na bangko sa bansa.

Noong nakaraang  taon ay umabot sa 7,000 manggagawa ang inalis ng Hanjin makaraang magdeklara ng pagkalugi ang nasabing South Korean firm.

Ngayong taon ay inaasahang aabot sa 3,000 workers ang posibleng mawalan din ng trabaho sa Hanjin, base sa pagtaya ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang Hanjin Philippines ang pinakamalaking foreign investor sa Subic Bay Freeport Zone.