ILAGAN, Isabela – Binigyan nina James Bryle Ballester at Magvrylle Chrause Matchino ng dalawa pang ginto ang L-guna sa athletics at lumapit ang powerhouse Baguio sa overall championship sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Batang Pinoy Luzon leg kahapon dito.
Itinanghal naman si Canada World Swimming-bound Filipino-Iranian Miceala Jasmine Mojdeh bilang ‘best swimmer’ sa kanyang division na may perfect five-of-five.
May dalawang araw pa bago ang pagwawakas ng weeklong competition na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), ang Baguio ay kumolekta ng 20-20-42, malayo sa pumapangalawang Quezon City may kabuuang 35 medalya (16-11-8) at pumapangatlong Laguna (15-21-17).
Inangkin ng 12-anyos na si Mojdeh ang ginto sa girls 13-15 200m butterfly upang pantayan ang limang gintong iniuwi ni Mark Bryan Dula sa boys 12-under division ng torneo.
Isinumite ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque swimmer ang 2:25.74 oras para talunin sina Mariah Genara Ubaldo ng Laguna Province (2:38.88) at Maglia Jaye Dignadice ng Puerto Princesa City (2:43.69) at maging ikatlong atleta na nakapagwagi ng limang ginto.
“My ultimate goal is to win all my five events and I’m very happy I did it despite strong opposition,” masayang pahayag ni Mojdeh.
Dinomina ni Ballester ang 2000m boys steeplechase sa oras na 7:02.3 seconds at sinungkit ni Matchino ang ginto sa oras na 7:40.07. CLYDE MARIANO