2 PANG GINTO SA PINOY PADDLERS

PINOY PADDLERS

GAINESVILLE, Georgia – Nagwagi ang Filipinas ng dala­wa pang gold medals sa 2018 ICF World Dragon Boat Championship dito makaraang madominahan ang  10-seater at 20-seater senior mixed 200-meter races sa Lake Lanier Olympic Park.

Pinangunahan nina veteran paddlers Hermie Macaranas at Mark Jhon Frias, humarurot ang mga Pinoy sa huling 50 meters upang magtapos sa bilis na 50.46 seconds sa small boat.

Nagkasya ang France sa silver medal sa 53.056 seconds, kasunod ang third-placer Hungary (53.158), host United States (53.463), Italy (53.9) at Germany (54.437).

“On a shorter course such as the 200-meters, you need to produce faster and powerful strokes to become successful,” wika ni coach Diomedes Manalo makaraang mahigitan ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation paddlers ang kanilang medal tally sa 2016 edition ng event sa Moscow.

Sinunod ng Philippine team ang game plan para makopo ang ika-4 na ginto sa big boat, sa bilis na 43.481 seconds upang daigin ang Czech Republic (46.082) at US (46.146).

Nasa ika-4 na puwesto ang Hungary (46.791), kasunod ang  Germany (48.040) at Canada (50.242).

Bukod sa apat na gold medals, ang Pinoy paddlers ay sumagwan din ng dalawang silvers sa senior men’s 500-meters at sa big boat senior mixed 2000-meters.

“Congratulations to our dragon boat athletes for improving on their medal tally from their last world championship,” pahayag ni Go for Gold top honcho Jeremy Go, na ang kompanya ay sinuportahan ang koponan, kasama ang Philippine Sports Commission (PSC).

“Despite all the struggle and adversity, our team has come out on top and continues to impress.”

Ang Pinoy paddlers ay maaaring magwagi ng isa pang gold medal sa 10-seater senior men 200-m.

Sasamahan  nina Jordan De Guia, John Paul Selencio, Lee Robin Santos, Jonathan Ruz, Daniel Ortega, Reymart Nevado at John Lester Delos Santos sina Christine Mae Talledo, Sharmaine Mangilit, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion at Lealyn Baligasa sa big boat senior mixed 200-m.

Si Maribeth Caranto ang itinalagang  steersman, habang si Patricia Ann Bustamante ang drummer.

Comments are closed.