DALAWA pang overseas competitions ang lalahukan ng mga Pinoy boxer bago isiwalat ang mga pangalan ng kakatawan sa boxing sa nalalapit na Southeast Asian Games.
Ayon kay head coach Pat Gaspi, kailangan nilang salain nang husto ang kakayahan ng mga boxer dahil gusto niyang mapanatili ang magandang imahe ng boxing bilang medal producer at manatiling priority sport ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“Ang dalawang overseas boxing competitions ay gagawin sa Asia,” sabi ni Gaspi.
Ang boxing ay kabilang sa natitirang National Sports Associations (NSAs) na hindi pa nagsusumite ng line-up.
“Hindi pa namin na-finalize and line-up dahil on going pa ang elimination. Masusi namin sinasala ang kakayahan at winnability ng boxers at gusto namin manalo, kung maaari ay lahat ng medalya para lahat tayo ay masaya,” wika ni Gaspi.
“Kailangan lahat ng boxers ay malakas, magaling at may kakayahang manalo lalo na’t sa atin gagawin ang SEA Games, at gusto naming mapasaya ang atin mga kababayan,” sambit ng veteran coach mula Sorsogon.
Ayon kay Gaspi, may 20 aspirants ang kanilang pagpipilian kung saan kasama sa coaching staff sina 1992 Barcelona Olympic bronze medallist Roel Velasco at Asian Games medallist Ronald Chavez at Elias Recaido.
Ang boxing ang tanging NSA na nanalo ng dalawang Olympic silvers mula kina Anthony Villanueva sa 1964 Tokyo Olympics at Mansueto ‘Onyok’ Velasco sa 1996 Atlanta edition. Nagwagi rin ito ng tatlong bronze medals galing kina Jose ‘Cely’ Villanueva sa 1932 Los Angeles Olympics, Leopoldo Serrantes sa 1988 Seoul edition at Roel Velasco sa 1992 Barcelona Olympics.
Kasama sa mga aspirant sina veterans Jogen Ladon, Mario Fernandez, Ian Clark Bautista, Nesty Petecio, Josie Gabuco at Irish Magno, at ang bagitong si Ira Villegas.
Ang boxing ay kasama sa mahigit 10 combat sports at isa sa 10 priority sports ng PSC. CLYDE MARIANO
Comments are closed.