JAKARTA – Kuminang ang mga Pinay golfer nang bigyan ang Filipinas ng dalawa pang medalyang ginto sa women’s individual at team golf competition sa 2018 Asian Games kahapon sa Pondok Indah Golf and Country Club dito.
Matapos kunin ang ikalawang ginto para sa Filipinas, si Yuka Saso, kasama sina Bianca Isabel Pagdanganan at Lois Kaye Go, ay nanalo ng isa pang ginto, sa pagkakataong ito ay mula sa golf women’s team event.
Pumalo si Saso, regular na kalahok sa ICTSI golf circuit, ng sub-par 66 sa final round at lumikom ng apat na round 275, upang angkinin ang ginto sa kanyang unang pagsabak sa Asian Games.
Tinalo ni Saso sina Wenbo Liu ng China na nakuha ang pilak, at Ayaka Furue ng Japan na sinungkit ang tanso.
Matapos makuha ang ginto, nakipagsanib-puwersa si Saso kina Pagdanganan at Go para ibulsa ang ginto sa team na may kabuuang 554 para sa kambal na panalo sa kasaysayan ng quadrennial meet.
Nakuha rin ni Pagdanganan ang podium finish nang makopo ang bronze sa women’s individual.
Ito na ang ikatlong ginto ng bansa matapos na unang magwagi si weigthlifter Hidilyn Diaz. Sa kabuuan, ang mga Pinoy ay may 12 medalya, 10 sa mga ito ay tanso.
Ang dalawa pang bronze medal ng Filipinas ay mula kina pencak silat sina Dines Dumaan at Jefferson Rhey Loon makaraang magkasunod na matalo sa kanilang semifinal matches.
Yumuko si Dumaan kay Muhammad Faizal M. Nasir ng Malaysia, 5-0, sa men’s Class D bout, sa 50 to 55 kilograms category.
Nabigo naman si Loon sa parehong iskor kay Nguyen Ngoc Toan ng Vietnam sa kanilang men’s Class D bout, sa 60 to 65 kilograms division.
Nakapasok naman si Eric Shawn Cray sa semifinals sa 400m hurdles, gayundin si Kristina Marie Knott sa 100m women semis.
Awtomatikong umabante sa semis si Cray, reigning Asian Athletic champion, dahil kulang sa competitors, habang si Knott ay pumang-apat sa heat sa oras na 11.74 seconds.
Hindi pinalad ang women’s volleyball team laban sa Indonesia, 20-25, 20-25, 26-24, 22-25, sa preliminary round Group A sa Gelora Bung Karno Volley Center dito noong Sabado ng gabi.
Umiskor si Alyssa Valdez ng 16 points, habang nag-ambag si Alyja Daphne Santiago ng 13 points para sa Nationals, na nalasap ang ikatlong pagkatalo laban sa isang panalo.
Si Aprilla Santini Manganang ang best scorer para sa Indonesia, sa kinamadang 28 kills, kabilang ang tatlong blocks. Gumawa naman si Amalia Fajrina Nabila ng 11 points, kabilang ang apat na aces.
Bigo rin si Mary Joy Tabal na masungkit ang mailap na ginto makaraang tumapos sa 11th overall sa women’s marathon.
Naorasan si Tabal, nagtraining ng tatlong buwan sa Italy at Japan, ng 2 hours, 51 minutes at 41 seconds, 17 minutes ang layo kay gold medalist Rose Chelimo ng Bahrain na naorasan ng 2:34.51 seconds.
Bigong duplikahin ni Tabal ang kanyang personal best at Philippine record na 2:43.31 na naitala sa Scotiabank Marathon sa Ottawa, Canada noong 2016 upang magkuwalipika sa Brazil Olympics.
“Ginawa ko ang lahat talagang malalakas ang mga kalaban,” sabi ng Cebuanang si Tabal.
Ang tanging konsolasyon ni Tabal ay siya ang pinakamabilis sa Southeast Asian runners kung saan tinalo niya si Linda Janthachit ng Thailand na dumating sa 17th overall sa oras na 3:08.14. CLYDE MARIANO
Comments are closed.