CAMARINES SUR – NASAWI sa magkasunod na sagupaan sa pagitan ng government forces at communist New People’s Army rebels ang dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa bayan ng Bato.
Ayon sa ulat ng PNP Region 5 at Army 9th Infantry Division naganap ang engkuwentro pasado alas-5:00 ng umaga sa pagitan ng Camarines Sur Provincial Mobile Force Company at tinatayang nasa 20 miyembro ng mga rebelde sa Barangay Payak.
Matapos ang mahigit 20 minutong sagupaan, natagpuan ang dalawang pulis na may malubhang tama na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Patuloy ang inilunsad na hot pursuit operation laban sa mga tumakas na NPA, habang isa pang engkuwentro rin ang naganap sa La Medalla, Tinambac.
Ayon kay Maj. Ricky Anthony Aguilar, chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, dalawang M16 rifles ang narekober sa clearing operation matapos ang ilang minutong bakbakan.
Walang nasugatan sa hanay ng mga sundalo na kasalukuyang nagpapatuloy sa isinasagawang clearing operation sa pinangyarihan ng sagupaan. VERLIN RUIZ