2 PASLIT BINUGBOG SA GUBAT: 1 TODAS, 1 SUGATAN

QUEZON- PATAY ang isang pitong taong gulang na babae habang sugatan naman ang kasama nitong lalaki makaraang pagbubugbugin ng lalaking nagdala sa kanila sa isang gubat sa Sariaya sa lalawigang ito.

Sa paunang imbestigasyon ng Sariaya police, magkasamang naglalakad ang dalawang paslit sa isang bukid sa Barangay Morong kamaka­lawa ng hapon nang bigla umanong sumulpot ang suspek na 23-anyos at nagprisinta na sasamahan ang dalawang biktima.

Subalit pagdating sa gubat ay pinagsusuntok at sinakal ng suspek ang mga biktima.

Ang batang lalaki ay nagkunwa­ring patay na kaya siya tinigilan ng suspek subalit ang kasama nito ay hindi nakaligtas.

“Kami po ay magkadikit, naglalakad, tapos bigla po kami binuhat. Sinakal po kami, sinuntok sa likod, nginudngod sa lupa, paulit -ulit po,” pagsasalaysay ng batang nakaligtas.

Nagkunwari patay ang batang lalaki at nang magising ay nakita nitong patay na ang kasama niya kaya nagmamadali itong umuwi at nagsumbong sa kanyang pamilya.
Natagpuan ang bangkay ng batang babae sa gitna ng mga puno ng buli na sakop na ng Barangay Pili.

Nakilala ng batang nakaligtas ang suspek na kaagad sumuko sa chairman ng Barangay Morong.

Ayon kay Lt. Reynante De Chavez, chief investigator ng Sariaya Police, sinabi ng suspek na napagkamalan niyang manika ang mga biktima.

“Kulang ang buhay niya para maibayad sa buhay ng anak ko. Sana maranasan niya doble, triple pa sa ginawa niya sa anak ko, kung ano paghihirap. Wala siyang awa,” ani Nyrine Soria, ina ng biktima.

Ang naturang suspek ay mahaharap sa kasong Murder and Frustrated Murder.EVELYN GARCIA